Kinilala ni NBI officer-in- charge Fermin Nasol ang nadakip na si Joy Jaralve, 26, driver, ng #16 Chantilly Villas Busilac St., Barangka Drive, Mandaluyong City, habang ang lima pa nitong kasamahan ay pinaghahanap pa.
Si Jaralve ay sinasabing sangkot sa pagpaslang kay NBI agent Vincent Fulgar, ng Chantilly Villas Busilac St., Barangka Drive, Mandaluyong City.
Nabatid na noong Agosto 12, 2002 ng umaga ay umuwi sa kanyang bahay ang biktima. Ipinarada nito ang kanyang asul na Pajero sa harap ng Unit 15.
Batay sa pahayag ni Francis Esposo, security guard sa nasabing town house na ilang minuto matapos dumating ang biktima ay narinig niya ang malakas na sirena at dahil sa inakala niyang emergency ay agad niyang binuksan ang gate kung saan nagmamadaling lumabas ang sasakyan ng biktima.
Dahil sa kaduda-duda ang sakay, agad na tinungo ng sikyu ang Unit 15 kung saan nakakita siya ng mga patak ng dugo kaya agad niya itong ipinagbigay alam sa mga awtoridad.
Narekober ng mga awtoridad ang isang grass cutter na may bahid ng dugo sa basement ng Unit 16 na doon naman pansamantalang natutulog si Jaralve at lima pang stay-in guards at utility maintenance ng nabanggit na town house.
Noong umaga ng Agosto 17 natagpuan naman ang bangkay ng biktima sa madamong lugar sa Daang Kalabaw, Sitio Payong, Tumana Concepcion, Marikina, habang ang sasakyan nito ay natagpuan sa Waling-waling St. sa San Mateo.
Sinasabing nang kunan ng NBI ng mga finger print at palm print ang sasakyan ng biktima ay tumugma naman ang isang pares ng palm print sa suspect na si Jaralve kaya kaagad itong inaresto.
Mariin namang itinanggi ng suspect na may kinalaman siya sa krimen. (Ulat ni Grace dela Cruz)