MMDA traffic enforcer napatay dahil sa "Kung Mawawala Ka"

Naging mitsa ng buhay ng isang traffic enforcer ng MMDA ang sikat na telenobelang "Kung Mawawala Ka " sa GMA-7 na pinagbibidahan ng premyadong aktor na si Eddie Garcia matapos pagsasaksakin ng dalawa niyang kapitbahay sa Pasig City.

Namatay noon din bunga ng limang malalim na saksak sa katawan ang biktimang si Gabriel Dumlao, 32.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ang dalawang suspect na nakilalang sina Danilo Ibarra at Jerson dela Cruz, kapwa kapitbahay ng biktima na mabilis na nagsitakas matapos ang isinagawang krimen.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:30 kamakalawa ng gabi sa loob ng bahay ng biktima sa Brgy. Sta. Lucia sa Pasig.

Napag-alaman na kampanteng nanonood ng nabanggit na teleserye ang nasawi nang dumating ang dalawang suspect na makikipanood naman ng basketball.

Dahil sa mainit ang eksena ng tele-nobela na pinapanood ni Dumlao ay tumanggi itong ilipat ng channel ang telebisyon.

Nagalit naman ang mga suspect at dahil dito nagkaroon ng mainitang pagtatalo. Mabilis na bumunot ng patalim ang mga suspect at binurdahan ng saksak ang biktima at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments