Dakong alas-12 ng tanghali kahapon ng puntahan ni Pangulong Arroyo si Judge Eleuterio Guerrero ng Pasay City RTC, Branch 116 upang bigyang papuri.
Ito ay matapos na ipataw ng hukom ang parusang bitay sa mga akusadong sina Dr. Roberto Yap Obeles; Jerry Morales at Johnny Bautista dahil sa pagkidnap sa biktimang si So, 21, noong nakalipas na Nobyembre 12, 2001 sa Taft Avenue sa nabanggit na lunsod.
Nabatid na papuri lamang ang ibinigay ng Pangulo sa naturang huwes at walang ipinangakong promotion o reward dito.
Ikinatuwa naman ng huwes ang ginawang pagdalaw sa kanya ng Pangulo at ayon dito trabaho lamang ang kanyang ginawa at ang hatol ay base lamang sa mga ebidensiyang isinumite sa kanyang sala.
Samantala, hindi nababahala ang Malacañang na maaaring makaapekto sa apela ng tatlong akusado ang ginawang papuri ng Pangulo kay Judge Guerrero.
Ilang sektor ang nagpahayag ng puna na maaaring tagilid na sa Appelate Court ang apela ng tatlong sentensiyado sa ginawang pagbisita ng Pangulo sa huwes.
Sinabi ni Press Secretary Ignacio Bunye na ang mga kagawad ng Court of Appeals ay mga indipendenteng indibiduwal at hindi maaapektuhan ang kanilang desisyon sa ginawa ng Pangulo.
Kung sa pagrerebisa anya ng Korte Suprema sa hatol na iginawad ni Judge Guerrero ito ay mabaligtad, sinabi ni Bunye na matatanggap naman ito ng Malacañang. (Ulat nina Lilia Tolentino/Lordeth Bonilla)