Sa panayam kay Parsons, Jose Nabiula Jr. sa totoong buhay, nakatakda itong magtungo ngayon sa PNP General Headquarters sa Camp Crame upang makausap si Ebdane.
Hihingi ito ng dalawang pulis na magsisilbing close in security niya at ng kanyang pamilya.
Ayon kay Parsons, buhat nang makapatay siya ng dalawang miyembro ng kilabot na grupong Waray- Bicolano Gang, hindi na siya at ang buong pamilya ligtas tuwing lumalabas ng bahay kahit na armado na silang lahat.
Hindi naman umano niya puwedeng abusuhin ang mga nakatalagang miyembro ng Marikina Special Weapons and Tactics Unit (SWAT) sa kanyang residente sa Rainbow st., SSS Village, Marikina.
Nakatakda rin naman nitong kilalanin ang isang umanoy miyembro nga ng robbery gang na nadakip ng Central Police District (CPD).
Bago ito, tumindi ang panganib sa buong pamilya ni Parsons nang harangin at tangkaing dukutin ang kanilang katulong kamakailan at tangkaing pasukin ang kanilang bahay nang wasakin ng mga ito ang likurang pinto habang nagpapahinga ang mga SWAT sa pagbabantay. (Ulat ni Danilo Garcia)