Ang sunog na nilikha ng katulong ay nagdamay sa dalawang establisimiyento kung saan tinatayang aabot sa P5 milyong halaga ng ari-arian ang tuluyang naabo.
Nagkaroon din ng tensyon sa pagitan ng mga guro at estudyante ng Caloocan City Polytechnic College na may 20 metro lamang ang layo sa natupok na MVC Pawnshop na pag-aari ni Benjamin Caro, 72, ng 1107 General San Miguel, Sangandaan ng nabanggit na lungsod at sinasabing amo ng katulong na kinilala lamang sa tawag na "manang", may edad 40-45.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng umaga sa ikalawang palapag ng bahay ni Caro.
Noong una iniulat na nakulong sa nasusunog na bahay ang katulong, subalit ayon sa ilang saksi nakita itong lumabas sa likod na pintuan ng bahay kasama ang dalawang hindi nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang kakutsaba nito sa isinagawang krimen.
Tumagal ng may isang oras ang sunog bago tuluyang naapula. Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naganap na insidente.
Hanggang sa kasalukuyan nagsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang Caloocan City Fire-Arson Division hinggil sa naganap na sunog, kasabay nang paghahanap sa tumakas na suspect. (Ulat ni Rose Tamayo)