Nakumpirma rin ng mga awtoridad na huwad ang gamit na Philippine visa na nakatatak sa mga pasaporte ng mga suspect na nakilalang sina Ahmad Aony, alyas Fabio Loreto, 36 at Zolikha Rostami Kamalabad, alyas Marlienne Loreto, 29, kapwa tubong Tehran, Iran.
Sa imbestigasyon, nabatid na habang nakapila ang dalawa sa immigration counter para sa kanilang clearance, napansin ni BI intelligence officer Rudy David ang kakaibang ikinikilos ng mga ito. May Iranian features ang dalawa kayat nagduda si David nang makitang may hawak silang Italian passports.
Batay sa isinagawang secondary profiling, inamin ng dalawa na sila ay mga Iranians at hindi Italyano. Inilabas din ng dalawa ang kanilang tunay na pasaporte na itinago sa kanilang sapatos.
Nabatid din sa isinagawang inisyal na imbestigasyon na ang dalawa ay patungo sa Estados Unidos at Canada via Japan at mananatili lamang sa Maynila ng may ilang araw, ngunit hindi naglaon ay umaming magtatrabaho sa Japan.
Malaki ang hinala ng mga awtoridad na may koneksyon ang dalawa sa teroristang Al Qaeda kayat kaagad silang ginawaran ng exclusion order pabalik sa kanilang point of origin. (Ulat ni Butch Quejada)