6 patay sa bagyong Juan; 1 nawawala

Anim na katao ang nasawi sa pinakabagong bagyong si Juan sa Metro Manila at karatig lalawigan habang isa pang binata ang patuloy na nawawala, base sa ulat ng National Disaster Coordinating Council (NDCC).

Nakilala ang mga nasawing biktima sa Metro Manila na sina Benjamin Pacis, 45, ng #116 2nd St., 4th Ave., Grace Park, Caloocan City; Apolinario Nery, 72, ng Brgy. Manuyo 1, Las Piñas City; Rey Asulya, 41, ng Blk. 4 Torsillo St., Dagat-Dagatan, Caloocan City.

Nabatid na pawang nalunod ang mga biktima habang patuloy na hinahanap pa rin si John Mark Garfin, 22, ng Dollar Lane, Villanueva Village, Parañaque City.

Pawang mga nasawi naman sa isang landslide sa Brgy. Sto. Cristo, San Pablo City ang tatlo pang biktima ng pamilyang Miral na sina Emeterio, 33; Teresita, 40; at 2-anyos na si Jamaica.

Sa isang araw na pag-ulan, agad na nalubog sa baha ang ilang bahagi ng Metro Manila. Kabilang dito ang lugar ng ilang barangay na malapit sa Tumana River sa Marikina City na umabot agad sa hanggang bewang ang tubig; España, EDSA/Harrison, Tayuman, Recto, at Sta. Cruz, Manila na hindi na madaanan ng mga sasakyan.

Ipinasara rin ang mga daan dahil sa baha sa J.P. Rizal Rockwell, Buendia-Shaw, Edsa/Ayala Tunnel sa Makati City; Tandang Sora, Araneta Avenue, at A. Bonifacio sa Quezon City; ilang barangay sa Malabon; at ilang mga kalsada sa Caloocan, Valenzuela at Las Piñas.

Umabot naman sa hanggang leeg na ang tubig baha sa Brgy. Sto. Cristo, Guagua, Pampanga habang hanggang bewang naman sa Brgy. San Isidro at Sto. Rosario sa naturang lalawigan.

Ipinasara na rin ang mga pangunahing lansangan sa Pampanga tulad ng Apalit-Macabebe-Masantol Road, Manila-North Road, Sto. Domingo-Minalin Section, Macabebe to Masantol town proper, at Candaba-San Miguel Road.

Patuloy pa rin naman sa pagmomonitor ang NDCC habang binalaan ang publiko na lumikas sa mga lugar na posibleng gumuho ang lupa at iwasang maligo sa tubig-baha o mga ilog. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments