Parsons kinasuhan ng double homicide

Sa kabila ng pagtatanggol lamang sa kanyang sarili, itinuloy pa rin ng Marikina Police ang pagsasampa ng kasong double homicide at frustrated homicide laban sa aktor na si Sonny Parsons nang makapatay ito ng miyembro ng ‘‘Waray Waray’’ Gang at makasugat ng isa pa, noong Biyernes.

Sinabi ni C/Insp. Ricardo Sto. Domingo, hepe ng Criminal Investigation Division ng Marikina Police na isusumite nila ngayon (Lunes) ang kaso sa Marikina prosecutor’s office at bahala na ang korte na magdetermina kung tatanggapin nila ito.

Napatay ni Parsons, Jose Nabiula sa totoong buhay, ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek noong Biyernes ng umaga habang sugatan naman si Joram Gacita, 24, ng Batasan Hills, Fairview, Quezon City, matapos na pasukin ang kanyang bahay.

Sinampahan na rin ng kasong robbery ng pulisya si Gacita, na kasalukuyang nagpapagaling sa Amang Rodriguez Medical Center dahil sa tatlong tama ng bala na natamo sa sikmura at hita.

Itinanggi naman ni Gacita ang paratang sa kanya at sinabing isa lamang siyang pasahero ng pampasaherong jeep na pinara ng mga suspek sa pagtakas ng mga ito at napagkamalan lamang ni Parsons.

Samantala, bibili muli ng mga bago at mas malalakas na kalibre ng baril si Parsons matapos na matangay ng mga nakatakas na suspek ang isa niyang kalibre .45. Ito’y bilang paghahanda umano sa maaring pagganti sa kanya ng mga suspek.

Inanyayahan rin nito ang publiko na kumuha na rin ng lisensiyadong baril ang bawat may-ari ng bahay upang ipagtanggol ang kanilang pamilya laban sa mga kriminal.(Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments