Sec. Lina pinasisibak din dahil sa command responsibility sa QC shabu lab

Ipinasisibak sa puwesto ng isang mataas na opisyal ng pulisya kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Joey Lina dahilan sa ‘command responsibility’ kaugnay ng kabiguan nito na matunugan ang operasyon ng isang malaking sindikato ng droga malapit sa kanyang tahanan sa Quezon City.

Hinamon ni Police Regional Office (PRO) 4 Chief Director Domingo Reyes, isa sa 7 police officials na sinibak ni Lina sa kabiguan namang masugpo ang illegal na operasyon ng jueteng sa lugar na kanilang nasasakupan na maging parehas si Pangulong Arroyo kung saan dapat rin umanong makastigo ang kalihim.

Ayon kay Reyes, isang grabeng negligence sa panig ni Lina ang kawalan nito ng kaalaman sa operasyon ng sinalakay na shabu laboratory sa kanyang lugar na nasamsaman ng 50 kilo ng shabu at 200 kilo ng kemikal.

Sinabi ni Reyes na "on the ground of command responsibility", malaki ang pananagutan ng DILG chief sa nalansag na shabu laboratory na marapat lamang patawan ng kaukulang kaparusahan ng Pangulo.

Kaugnay nito, umaasa naman si Reyes na magiging patas umano ang pagtingin ng Presidente at bibigyan ng bigat ang command responsibility failure si Lina sa isyu.

Matatandaan na kamakalawa ng madaling-araw, sinalakay ng mga operatiba ng PNP-Narcotics Group at National Capital Police Office sa pamumuno ni Gen. Edgar Aglipay ang pabrika ng illegal na droga kung saan naaresto ang 7 Chinese nationals at 3 Pinoy na trabahador.

Sa naturang shabu lab at warehouse ng droga na matatagpuan sa may #15-B Gonzalez St., Phase 1, Xavierville Subd. at #75-C Salvador St., Varsity Hills Subd., pawang nasa Brgy. Loyola Heights, Quezon City, dalawang bahay lamang umano ang pagitan nito sa bahay ng kalihim.

Una rito, matatandaang pinatalsik sa puwesto ni Lina, chairman ng National Police Commission ang 7 PNP officials kabilang si Reyes bunsod ng umano’y kabiguan ng mga itong resolbahin ang talamak na operasyon ng illegal na sugal, partikular ang jueteng sa kanilang nasasakupan.

Samantala, ayon naman sa mapagkakatiwalaang source sa Camp Crame, malapit na rin umanong sipain ng Malacañang si Lina bilang kalihim ng DILG matapos mabahag ang buntot nito sa bantang paghuhuramentado ng mga nakikisimpatyang PNP generals.

Ayon pa sa source, formal order at lagda na lamang umano ni Pangulong Arroyo ang hinihintay para maiupo ang napupusuan nitong itatalagang kapalit ni Lina sa mababakanteng posisyon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments