Ito ang kinumpirma kahapon ni Parsons, Jose Nabiula sa tunay na buhay, 42.
Sinabi pa ng aktor na simula umano nang mapaslang niya sa shootout ang dalawang miyembro ng grupo at masugatan niya ang isa pa ay nakatanggap na siya ng pagbabanta sa buhay maging sa kanyang pamilya.
Binanggit pa nito, na ilang armadong kalalakihan na hinihinalang mga kasamahan ng kanyang napaslang ang nakitang umaaligid sa bahay. Tatlong ulit na rin umanong pinukol ang kanyang bahay. Ang ginamit na bato ay nababalutan ng papel na doon naman nakasulat ang pagbabanta sa kanyang buhay.
"Hindi naman ako natatakot, kung oras mo na talaga, oras mo na", pahayag pa ni Parsons.
Kaugnay naman sa nakatakdang paghaharap sa kanya ng kaso ng pulisya, hindi umano siya nagdaramdam dito at ang kanya na lamang gagawin ay harapin ito.
Nilinaw ni Parsons na hindi umano gimik ang sinasabing pagkawala ng kanyang .45 cal pistol matapos ang shootout dahil sa naihagis niya ito at nakuha ng mga tumakas na suspect.
Samantala, nalilito naman ang Malacañang kung dapat bigyan ni Pangulong Arroyo ng parangal si Parsons.
Ito ay matapos na magbigay ng komentaryo si MMDA chairman Bayani Fernando na umanoy hindi dapat paniwalaan ang bersyon ni Parsons.
"Huwag ninyong paniwalaan iyan, sira-ulo yan", ito ang komento umano ni Fernando kay Parsons, ayon sa isang opisyal sa Malacañang.
Binanggit umano ni Fernando ang ganitong komentaryo laban kay Parsons dahil balak ng Pangulo na bigyan ang aktor ng komendasyon sa ipinakita nitong katapangan nang makipaglaban sa grupo ng Waray gang na nanloob sa kanyang bahay.
Magugunitang si Parsons ay naging konsehal sa Marikina noong alkalde pa rito si Fernando kaya posibleng may away pulitika ang dalawa. (Ulat nina Joy Cantos/ Ely Saludar)