Kasabay nito, pormal na ring isinampa ni Parsons ang kasong kriminal laban sa sugatang suspect na kabilang sa nanloob sa kanyang bahay.
Kasong frustrated homicide at attempted rape ang isinampa ni Parsons sa Marikina City Prosecutors Office laban sa arestadong suspect na nakilalang si Joram Gacita, 24, ng Batasan Hills, Fairview, Quezon City. Ito ay grabeng nasugatan sa insidente matapos pasukin ang tahanan ng aktor sa Bronze corner Rainbow Sts. SSS Village, Barangay Concepcion, Marikina.
Tatlo pang suspek ang nakatakas.
Nabatid na tinangkang gahasain pa ni Gacita ang kanyang panganay na anak na babae na si Sherry, 25, nang manloob ang mga ito sa kanilang tahanan.
Ayon kay Marikina City Mayor Marides Fernando, beinte-kuwatro oras ang security na ipinagkaloob sa pamilya Parsons dahil na rin sa maaaring gantihan pa ito ng natitirang miyembro ng Waray group.
Hindi malayo na gumanti ang grupo dahil sa nabigo nilang operasyon bukod pa na nalagasan sila ng dalawa at naaresto ang isa at ang lahat ay dahil sa aktor.
Patungkol naman sa banta ng ilang human rights groups na maaaring kasuhan si Parsons, sinabi ng dating miyembro ng Hagibis na nakahanda naman siyang harapin ang anumang bantang pagsasampa sa kanya ng kaso .
Kumampi naman ang DOJ sa aktor na nagsabing ginawa lamang ni Parsons na ipagtanggol ang pamilya.
Ayon kay Justice Secretary Jose Calida, wala siyang nakikitang iligal sa ginawang pagtatanggol ni Parsons sa kanyang sarili at pamilya ng pasukin ng mga suspect ang kanilang bahay. (Ulat nina Joy Cantos/ Gemma Amargo)