Mataas na singil sa toll fee, sinimulan kahapon

Ipinatupad na kahapon ng Citra-Skyway ang pagtataas ng singil sa toll fee sa lahat ng mga bumibiyaheng sasakyan na umabot mula P10.00 hanggang P14.00.

Ang pagtaas ng toll fee na ginawa ng Citra-Skyway, ang kontraktor ng Skyway sa South Luzon Expressway ay ikalawang bahagi ng inaprubahang pagtaas ng Toll Fee Regulatory Board noong nakaraang taon.

Nabatid na ang unang pagtaas ay isinagawa noong nakaraang buwan ng Enero, samantalang naunang itinakda ang pangalawang pagtaas noong Hulyo 1.

Gayunman, napigil ang pagtatakda sa ikalawang pagtataas hanggang sa kahapon lamang ito tuluyang ipinatupad.

Sinabi ni Citra-Skyway spokesman Ramon Borromeo ang pagtataas ng singil ay kailangan nilang gawin upang mabayaran ang lumaki na nilang pagkakautang dahil sa pagbaba ng halaga ng piso kontra sa dolyar.

Inihayag pa nito na nalugi na ang kontraktor ng may P30 milyon mula nang iurong ang pagtaas sa toll fees noong Hulyo 1 hanggang kahapon.

Samantala, umapela naman kahapon sa Court of Appeals (CA) ang isang abogado upang muling harangin ang ginawang pagtataas sa singil sa toll fees.

Sa 40-pahinang petisyon ni Atty. Victor Avecilla, inakusahan nito ang Toll Regulatory Board ng paglabag sa Konstitusyon matapos nitong payagang magtaas ng singil ang Citra-Skyway. (Ulat nina Joy Cantos at Gemma Amargo)

Show comments