Bantay ni Misuari, kritikal sa saksak

Agaw-buhay sa pagamutan ang isang miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) na nagbabantay sa pinagkukulungan ni dating ARMM Governor Nur Misuari, matapos na saksakin ng isang nagwawalang lalaki kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Ang biktima ay nakilalang si PO1 Jasper Gabato, binata, nakatalaga sa Fort Sto. Domingo, Sta. Rosa, Laguna dahil sa tinamong saksak sa likod.

Agad namang nasukol ng mga nagpapatrulyang UP Police ang suspek na si Rodolfo Antonio, 33, vendor ng Hillside St., Kaingin II, Brgy. Pansol ng nasabing lungsod.

Ang insidente ay naganap dakong ala-1 ng madaling araw sa kanto ng Katipunan Avenue at Balara Filter.

Habang naglalakad ang biktima kasama ang pinsan na nakilalang si Jimmy Gabato nang masalubong ang suspek na nagwawala at naghahamon ng away.

Agad na sinuntok ng suspek si Gabato dahilan para umawat ang biktima na hindi nito alam na bumunot ng patalim ang una at siya ay sinaksak sa likod. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments