Estudyante binoga ng adik

Isang 19-anyos na estudyante ang kinainggitan dahil sa kaguwapuhan at dahil sa lapitin ng mga kababaihan ay binaril at napatay ng pinaniniwalaang adik sa kanilang lugar sa Batasan Hills, Quezon City kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang biktima na si Adolfo Fernandez, residente ng 8 Senatorial Road, Sitio 6, Batasan Hills, Quezon City. Siya ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa katawan at patay na nang idating sa East Avenue Medical Center.

Ang suspect na pinaniniwalaang isang adik sa naturang lugar ay mabilis na tumakas matapos ang isinagawang pamamaril dala ang ginamit na shotgun.

Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon na ang insidente ay naganap dakong ala-1 ng madaling araw habang ang biktima ay naglalakad kasama ang ilang kaibigang babae ng biglang targetin ng suspect.

Maaaring kinainggitan ng suspect ang’ boyish looks’ ng biktima na ito ang dahilan para maging lapitin ito ng mga kababaihan. (Ulat ni Matthew Estabillo)

Show comments