Ang driver ng biktima na nagtangkang lumaban sa mga suspect ay binaril at malubhang nasugatan. Habang ang isang company guard na dinala rin ng mga suspect kasama ang biktima ay natagpuan na rin sa loob ng inabandonang sasakyan ng biktima sa Caloocan City.
Nakilala ang panibagong biktima nang pagdukot na si Dr. Chairmaine Ong, 30, dermatologist at anak ng may-ari ng CDO Food Products.
Ayon sa pulisya, ang driver ng biktima na nakilalang si Mateo Cahilig, 37, ay nagtamo ng isang tama ng bala ng baril sa sikmura matapos manlaban sa mga suspect, habang ang company guard na si Jaime Untoy ay nakauwi na sa kanyang pamilya.
Tinitingnan ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa nagaganap na labor dispute sa kompanya na pag-aari ng mga magulang ng biktima sa naganap na pagkidnap. Wala pang ransom na hinihingi ang mga abductors habang sinusulat ang balitang ito.
Base sa report, naganap ang pagdukot dakong alas-7:15 ng gabi sa tapat ng skin clinic ng biktima sa CDO Building sa BBB, Valenzuela City.
Tatlong armadong kalalakihan ang biglang sumulpot at sapilitang dinala ang biktima at ang nabanggit na company guard. Patuloy naman ang isinasagawa pang imbestigasyon ukol dito. (Ulat ni Jerry Botial)