Nabatid sa isang mapapagkatiwalaang impormante na tumangging magpabanggit ng pangalan, magtutungo umano ang mga asawa ng mga pulis-Pasay sa headquarters upang iprotesta ng mga ito ang naging kautusan ni PNP Chief Director, General Leandro Mendoza.
Nakatakdang mag-retraining ang may 341 pulis-Pasay matapos na pumalpak ang 21 dito sa pagresponde ng hostage drama sa Philtranco Bus Terminal, na ikinasawi ni Dexter at ng hostage taker nito na si Diomedes Talvo.
Mariin itong kinundina ng mga misis ng naturang mga pulis dahil hindi umano makatarungan ang naging hakbangin ng pamunuan ng PNP dahil nadadamay ang ilang wala namang kasalanan sa kapalpakan ng kanilang mga kasamahan.
Nabatid na makikipag-usap umano ang mga ito sa mga opisyal, upang hilingin na huwag ituloy ang hakbangin ng PNP.
Sa darating na Hunyo 17 ay uumpisahan na ang isang buwang retraining ng may 341 pulis-Pasay sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig.
Tiniyak naman ni Southern Police District Office (SPDO) Director, Chief Supt. Jose Gutierrez, na pagkatapos ng retraining ng mga ito, ibabalik naman sila sa kani-kanilang destinasyon. (Ulat ni Lordeth Bonilla)