Sa report na natanggap ni Supt. Jose Ramon Salido, hepe ng Criminal Investigation Division (CID), Makati City Police, kinilala ang mga suspek na sina Maximo Caayon "alias Monching", 35, binata; Rosemarie Villahermosa "alias Lani", kapwa nakatira sa No. 2786 Ensueno st., Barangay Pinagkaisahan; Elisa Sinang "alias Lisa", 35, ng No. 44 Guijo st., Barangay Cembo at Edward Akle, 55, may asawa, ng No. 2393 Catanduanes st., Barangay Pitogo ng lungsod na ito.
Nabatid na nagsagawa ng magkakasunod at magkakahiwalay na buy-bust operation ang mga kagawad ng Drug Enforcement Unit (DEU) sa Barangay Pinagkaisahan, Cembo at Pitogo kamakalawa, simula alas-12 hanggang alas-4:00 ng hapon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa kanilang mga asset na nagkakaroon ng bentahan ng droga sa mga nabanggit na lugar.
Nagpanggap na poseur buyer ang mga kagawad ng DEU na naging dahilan upang madakip ang apat na suspek at nakumpiska sa mga ito ang hindi pa mabatid na gramo ng shabu.
Ang apat na suspek ay nahaharap sa kasong pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot na pawang nakakulong sa Makati City Jail. (Ulat ni Lordeth Bonilla)