Suspect sa Cervantes slay, inilagay sa watchlist ng BI

Inilagay sa watchlist kahapon ng Bureau of Immigration (BI) si P/Supt. Rafael Cardeño, isa sa mga pangunahing suspect sa pagpaslang kay Young Officers Union (YOU) spokesman Alexander Baron Cervantes noong Disyembre 31, 2001.

Iniutos ni BI Commissioner Andrea Domingo na ibilang si Cardeño sa watchlist ng bureau matapos na hilingin ng PNP kasunod sa pagsasampa noong Mayo 24 ng kasong murder laban dito sa DOJ kasama ang pito pang suspects.

Bukod dito pinagbasehan din ni Domingo ang ipinalabas na arrest warrant ng Quezon City Regional Trial Court.

Sa isang liham kay Domingo, hiniling ni Sr. Supt. Ricardo Dapat ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group na ibilang si Cardeño sa mga minamatyagan at binabantayan ng BI upang mapigil ito sa pagtakas sa bansa bagaman wala pang lumabas na Hold Departure Order (HDO).

Gayunman, iginiit ni Domingo na bagaman walang HDO ay maaari nang arestuhin si Cardeño dahil sa pending warrant of arrest nito.

Ang nasabing warrant of arrest ay hindi sa nasabing kaso kundi sa ibang kasong kinasasangkutan ni Cardeño na may kaugnayan sa malversation na ipinalabas ni Judge Lydia Querubin Layosa ng QCRTC Branch 217 at inirekomenda na magpiyansa ito ng halagang P20,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Tatlo sa mga suspect ang nasa kustodya na ng PNP, ito ay sina Joseph Mostrales, Jaime Centeno at Erlino Torres. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments