Naiwang bag ng pasahero,isinauli ng personnel ng PNP-ASG

Minsan pang pinatunayan ng isang non-uniformed personnel ng PNP- Aviation Security Group (ASG) na ang katapatan ay mas mahalaga kaysa kayamanan makaraang isauli niya ang isang backpack na naglalaman ng pera at mga gamit na nagkakahalaga ng mahigit sa P200,000 na naiwan ng isang papaalis na pasahero.

Nakilala ang matapat na personnel ng PNP-ASG na si John Hemady, baggage inspector na nakatalaga sa West Departure area ng NAIA terminal 1.

Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 noong Miyerkules ng gabi nang mapansin ni Hemady ang isang kulay asul na backpack na naiwan sa ibaba ng x-ray machine. Hinanap ng mga awtoridad kung sino ang may-ari nito subalit hindi nila natagpuan kaya nagpasya na lamang sila na itago ang bag habang hinihintay ang tunay na may-ari.

Dakong alas-9:30 ng umaga kahapon nang lumutang si Jose Ofeciar, isang retiradong government employee na naninirahan na sa Guam upang ipagtanong ang nawawala niyang bag.

Matapos matiyak na sa kanya nga ang nakuha ni Hemady na bag ay ibinalik dito ang naturang backpack. (Ulat ni Butch Quejada)

Show comments