Fan ng Alaska kinantiyawan, nanaksak ng kaibigan

Makaraang kantiyawan matapos na matalo ang kanyang paboritong team sa PBA, isang binata na maka-Alaska ang nanaksak ng kasamahan nito sa trabaho na tagahanga naman ng koponang Purefoods, habang ang mga ito ay nanonood sa championship game ng dalawang grupo, kamakalawa ng gabi.

Nakapiit sa Makati City Jail ang suspect na nakilalang si Joselito Andaya, 27, ng Kalayaan Avenue, Brgy. Tejeros ng nabanggit na lungsod.

Samantala, nasa kritikal pa ring kalagayan ang biktima na nakilala namang si Jesus Malogan.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Lewelie Cristobal, ng homicide section ng Makati City police, naganap ang insidente kamakalawa ng gabi sa 4017 Kalayaan Ave., Brgy. Tejeros ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na kapwa nanonood ng telebisyon ang dalawa kung saan magkatunggali ang mga paborito nilang koponan.

Sa naturang laro natalo ang Alaska na siyang paboritong team ng suspect, dahilan upang kantiyawan siya ng biktima na maka-Purefoods naman at siyang tinanghal na kampeon.

Napikon umano ang suspect sa pangangantiyaw ng biktima kaya agad itong kumuha ng patalim at inundayan ng saksak sa katawan si Malogan

Nagtangka pang tumakas ang suspect subalit inabutan siya ng mga nagrespondeng tauhan ng pulisya. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments