Ayon kay NBI director Reynaldo Wycoco, ang mga sinibak sa puwesto ay kinilalang sina NBI Forensic Acting Chief Dr. Idabel Pagulayan; Dr. Constancia Salonga, hepe ng Dangerous Drugs Section at si Dr. Lucia Gonzales, Assistant Custodian chief.
Ayon kay Wycoco, ang pagkakasibak sa tatlo ay matapos na mapatunayan sa imbestigasyon na may pananagutan ang mga ito sa pagkawala ng mga shabu sa kustodya ng nasabing ahensiya, dahil sa silang tatlo lamang ang may karapatan na humawak sa susi ng evidence custodian.
Binanggit pa nito na kasalukuyang nasa floating status ang mga nabanggit na opisyal bagaman wala pang inaanunsiyo kung sino ang hahalili sa kanila sa mga nabanggit na posisyon.
Nakatakda ring sampahan ang tatlo ng kasong administratibo sa Office of the Ombudsman.
Kasabay nito, sinabi ni Wycoco na patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy kung sinong mga personalidad ang responsable sa pagkawala ng nasabing droga.
Ang nasabing nawawalang shabu ay bahagi ng may 247 kilo ng droga na nasamsam sa drug queen na si Sandra Lim noong nakalipas na Disyembre 26, 2000 sa Pasay City. (Ellen Fernando)