Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Department of Agrarian Reform and Adjudication Board (DARAB), na isinilbi ni Deputy Sheriff Eduardo Santos ng Cabanatuan City, si Teves ay inaresto sa pamumuno ni Supt. Virgilio Dacara ng WPD-Warrant sa loob ng kanyang tanggapan habang nakikipagpulong sa mga opisyal ng LBP mula sa ika-33 palapag ng LBP building sa Ermita, Manila dakong alas-2 ng hapon.
Walang inirekomendang piyansa para kay Teves para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Gayunman, sinabi ni Atty. Dominador Reyes, tumatayong abogado ni Teves na maghahain sila ng apela sa Adjudication Board at petition for certiorari na binibigyan naman ng pagkakataon sa loob ng limang araw kasabay ng pagbibigay ng bond na P75 milyon o depende sa mapapag-usapan ng board.
Sinabi naman ni DARAB OIC Napoleon Baguilat, tumatayo ring presiding adjudicator ng Branch 111 sa North Nueva Ecija at Branch 1 ng South Nueva Ecija, makakalaya lamang si Teves kung magdedeposito ito para sa compensation ng lupa na kinuha sa mga land-owner noong 1972.
Ayon naman kay Court of Appeals (CA) Ret. Associate Justice Fernando Santiago, isa sa mga complainant, na ang LBP ay nangolekta ng amortizations mula sa mga umanoy beneficiaries ng walang ibinibigay na notice o pasabi sa mga lehitimong nagmamay-ari ng lupa.
Idinagdag nito na matapos makuha sa kanila ang kanilang lupa dahil sa implementasyon ng CARP nabigo na rin ang LBP na magdeposito ng compensation na hinihingi ng mga landowner sa ilalim ng DAR/DARAB.
Kaugnay nito, niliwanag naman ni Teves na hindi nila kayang magdeposito ng nasabing halaga dahil sa masyadong mataas ang halaga ng lupa na dapat na bayaran para sa mga landowner.
Iginiit ni Teves na bagaman matagal na ang kaso at ngayon ay sa kanya naipasa, siya ang nabagsakan ng kautusan.(Ellen Fernando)