Sinabi ni Pimentel, ang pagbabakasyon ng mga isinasangkot sa nasabing anomalya ay ang pinakamagandang hakbang upang mabura ang hinala na may tangka ang mga ito na impluwensiyahan o linisin ang mga dokumento sa kanilang kontrol.
Wika pa ni Pimentel, nagharap na ng mga resolusyon sina Senator Blas Ople at Senator Noli de Castro na humihiling na magsagawa ng imbestigasyon ang senado kaugnay sa ibinunyag ni Labor Secretary Patricia Sto. Tomas na maling ginamit ang P1.2 bilyong welfare fund ng OWWA.
Inakusahan ni Sec. Sto. Tomas si OWWA Administrator Soriano na binalewala nito ang board of trustees matapos hindi nito konsultahin kaugnay sa pagpasok sa P600 milyon investment sa Smokey Mountain project.
Binanggit pa ni Pimentel na mahigpit na ipinagbabawal sa mga organisasyon ng gobyerno tulad ng OWWA na pumasok sa high-risk venture tulad ng real estate dahil sa pinapayagan lamang ay ang pag-invest sa mga government securities tulad ng treasury bills at treasury notes. (Rudy Andal)