'5-6' na bombay dinukot ng sariling driver

Dinukot umano at pinatutubos ng malaking halaga ng kanyang personal driver ang isang bombay na nagpapautang ng 5-6 kamakalawa ng umaga sa Maynila.

Si Manwinder Kaur Brar, 38, ng Vicente G. Cruz St. Sampaloc Maynila ay dinukot umano ng kanyang personal driver na si Christian Nicolas, 22, residente ng West Vigan St. Sta. Mesa.

Base sa salaysay ng asawa ng biktima na si Amardeep Singh, 36, kay SPO4 Cecilio Sagurum ng Western Police District-General Assignment Division (WPD-GAS), huli umano niyang nakita ang asawa noong Biyernes ng umaga habang lulan ng isang motorsiklo patungo sa Blumentritt para maningil ng mga pautang.

Simula noon ay hindi na umano umuwi ng bahay ang biktima hanggang sa makatanggap na lamang si Singh ng isang tawag sa telepono buhat sa suspek.

Ayon umano kay Nicolas kailangang umano nitong tubusin ang kanyang asawa kapalit ang malaking halaga ng pera subalit hindi nito binanggit kung magkano.

Dahilan dito kung kayat kaagad na humingi ng tulong sa mga awtoridad si Singh, samantalang patuloy namang pinag-aaralan ng pulisya kung paano sasagipin ang dinukot na biktima. (Gemma Amargo)

Show comments