Sinabi ni Oreta na lubhang nakakabahala kung sakaling muling nakabalik sa market ang nawawalang malaking bilang ng shabu dahil lubhang makakaapekto ito sa anti-drug campaign ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Idinagdag pa ni Oreta na dapat lamang makialam na sa imbestigasyon sa misteryosong pagkawala ng shabu ang PNP at DOJ.
Samantala, nakatakdang ipalabas ng National Bureau of Investigation (NBI) sa darating na Biyernes ang resulta ng kanilang imbestigasyon kaugnay sa kung sino ang dapat managot sa pagkawala ng siyam na kilo ng shabu.
Ayon kay Deputy Director Samuel Ong, chairman ng five-man committee na binuo ni Dir. Reynaldo Wycoco upang imbestigahan ang nasabing pagkawala, nakakuha na umano sila ng mga impormasyon na makakapagturo sa mga responsable sa pagkawala ng shabu.
Bukod sa mga mahahalagang dokumento na kanilang nakalap, sinabi ni Ong na nagbigay na rin umano ng pahayag ang mga tao na may nalalaman hinggil sa pagtatago ng mga kumpiskadong droga.(Ulat nina Rudy Andal at Ellen Fernando)