Inside job sa Grand Central robbery sinisilip ng pulisya

Malakas ang hinala ng Caloocan City police na may inside job sa naganap na holdapan sa isang jewelry store sa loob ng Ever Gotesco Grand Central Mall na kung saan ay napatay ang isang security guard at nasugatan ang tatlo katao kabilang ang isang tatlong taong gulang na batang babae.

Ayon naman kay Supt. Dionicio Borromeo, hepe ng Station Intelligence and Investigation Branch na nahihirapan sila na maresolba ang kaso dahil sa ayaw makipagtulungan ng may-ari ng Seiko jewelry store na si Ikeng Cheng na tatlong beses nang naholdap.

Hinoldap ng ‘Martilyo Gang’ ang tindahan ni Cheng noong 1999 at 2000 na natangayan ng malaking halaga subalit ayaw itong makipagtulungan sa pulisya.

Napuna rin ni Borromeo na pawang pabaya umano ang mga security guards ng nasabing mall dahil sa nalulusutan sila ng mga masasamang loob na may dalang mga armas.

Nais hilingin ni Borromeo kay Mayor Rey Malonzo na kanselahin ang permit to operate ng security agency sa nasabing establisimyento kung mapapatunayan na nagpabaya ang mga ito sa kanilang tungkulin.

Magugunita na dakong alas-5:15 ng hapon nang holdapin ang nasabing tindahan ng alahas na nasa ikalawang palapag ng umano’y mga Martilyo Gang.

Naghagis ng dalawang granada ang mga suspek na naging dahilan para magkagulo ang mga mamimili subalit hindi ito sumabog.

Napatay naman ang security guard na si Redem Ademe Beltran, 23, nang makipagbarilan ito sa mga suspek.

Ang mga nasugatan ay nakilalang sina Marinette Escobar, 29, anak nitong si Maria Louiengie, 3, at isang Jose del Prado, 23, nang tamaan ng mga ligaw na bala. (Ulat ni Pete Laude)

Show comments