Dinampot dakong alas-12 kamakalawa ng tanghali ang suspek na si PO1 Elmer Buena, 33, nakatalaga sa Baler Station 2 sa Central Police District (CPD). Hinihintay naman ngayon ang resulta ng autopsy exam sa bangkay ng kanyang asawa na si Ma. Morena Pablico-Buena, 33, ng 4-B Sinag St., Brgy. Highway Hills, Mandaluyong City.
Ayon kay C/Insp. Ricardo Sto. Domingo, hepe ng Criminal Investigation Division (CID), hinihintay rin ang resulta ng paraffin test at ballistic examination upang maitugma ang basyo ng bala ng kalibre 9mm pistol na nakita sa pinagtapunan sa biktima at maidiin ang suspek sa krimen.
Ilang buhok ng lalaki ang natagpuan at isinailalim sa eksaminasyon upang maitugma sa sampol na kinuha sa suspek na si Buena.
Natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-10 ng umaga sa madamong bahagi sa gilid ng kalsada malapit sa Marcos Highway bridge. Dalawang tama ng bala sa sentido ang natamo nito at walang saplot sa katawan kung saan panggagahasa ang lumabas na unang teorya ng pulisya.
Matapos na mabatid ito ng kanyang mga kamag-anak, itinuro ng mga magulang ng biktima si Buena na siyang may dahilan upang patayin ang kanilang anak. Isinalaysay ng mga ito na inireklamo umano ng biktima ang asawa sa Internal Affairs Services ng CPD ng kasong immorality at insufficient support.
Nabatid na naging talamak umano ang pambababae ng suspek nang ipadala ang pamilya sa Iloilo at hindi na pinadalhan ng sustento sanhi upang lumuwas ito at ireklamo ang asawa hanggang sa matagpuang patay na ito. (Ulat ni Danilo Garcia)