Dinakip si Jose Marie Pimentel, alyas "Joel", 36, production assistant sa isang istasyon sa telebisyon, panganay na anak ni Pepe Pimentel at nakatira sa Sct. Gandia st., Brgy. Laging Handa, QC.
Itinago naman ang biktima sa pangalang "Armie", 22, dating GRO sa Lexux night club sa Timog Ave.
Sa ulat ng CPDO-Station 10, dakong alas-10 noong Linggo ng gabi nang maganap ang umanoy panggagahasa sa Rm. 31 sa Café Estella na matatagpuan sa Dr. Lascano St., Brgy. Laging Handa.
Sa imbestigasyon, bandang alas-4 ng hapon kamakalawa, sinundo ni Joel ang biktima sa bahay nito at nagpasama na pupuntahan nila ang isang kaibigan para maningil ng pautang at bibigyan umano ng malaking komisyon ang huli.
Dahil sa matagal nang magkakilala ang dalawa, sumama ang biktima at dumiretso ang mga ito sa nasabing café.
Sa nasabing café, pinagtakahan ng biktima ang tagal na inilalagi nila doon hanggang sa magtanong ito sa suspek ng kung bakit doon pa ang napiling lugar para hintayin ang sisingilin hanggang sa sinigawan ito ni Pimentel ng "bobo ka pala, kaya nga narito tayo ay alam mo na."
Hanggang sa isalya si Armie sa kama at iginapos umano ang kamay at pinilit na ipainom ang sampung valium capsule dahilan para maging unconscious ito.
Matapos makaraos si Pimentel, nakatulog ito na naging pagkakataon kay Armie para makatakas at magsumbong sa pulisya kahit na nakakaramdam pa ito ng sobrang pagkahilo dahil sa ininom na tabletas.
Pagdating ng mga tauhan ni Supt. Donato Orio, hepe ng Station 10 sa nasabing café, naabutan pang hubot hubad na nakahiga sa kama si Pimentel na sabog sa bawal na gamot at inaresto ito.
Nakapiit sa nasabing istasyon si Pimentel habang inihahanda ang kasong panggagahasa na isasampa sa QC Prosecutors Office. (Ulat ni Jhay Mejias)