Kinilala ang mga suspek na sina Rafael Sukayan, 45, umanoy lider ng nasabing grupo, ng Phase 6, Little Baguio, Miramonte Heights, Caloocan City; Joseil Villanueva, 25, tubong-Saranggani, ng C-4 Tañong, Malabon City; Bantres Cachero, 34, at Johnny Duran, kapwa tubong-Catbalogan, Samar, ng Sipak Dagat-Dagatan, nasabing lugar.
Ayon sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng umaga nang unang naaresto ang tatlong miyembro sa kanilang safehouse sa Navotas hanggang sa itinuro ng mga ito kung saan nagtatago si Sukayan sa Bagong Silang.
Ang pagkakaaresto sa mga suspek ay matapos na magsumbong ang asawa ni Joel Mendoza sa mga awtoridad nang dukutin umano ang asawa nito ng kanyang mga ka-grupo dahilan lamang sa hindi patas na partihan sa pera.
Ang mga suspek ang sinasabing responsable sa pag-hijack sa isang 40-footer container van, may plate no. PKT-703 na naglalaman ng ilang kahon ng computer monitors na nagkakahalaga ng P6M at pag-aari ng isang Irene Tabucol, 44, ng South-Eastern E Trucking, 3-3 Road, Navotas noong Peb. 16, 2002 sa Doña Juana Rodriguez st., New Manila, QC, dakong alas-3:40 ng madaling-araw.
Dahil na rin sa pagsusumbong ng asawa ni Mendoza sa mga awtoridad kung kayat kaagad na natunton ng pinagsanib na puwersa ng Caloocan police at District Police Intelligence Unit (DPIU) ang kuta ng mga suspek.
Pinaniniwalaan naman ng mga awtoridad na nalansag na ang grupo ng mga suspek matapos na maaresto ang lider.
Narekober mula sa mga suspek ang ilang piraso ng fatigue uniform, ibat ibang uri ng bala ng baril, pekeng mga identification cards (ID) at mga alahas. (Ulat ni Gemma Amargo)