Si SPO1 Ramon Austria, 49, miyembro ng Central Police District (CPD) Investigation and Intelligence Division at Anti-Carnapping unit ay halos kulay talong sa mga tinamong pasa sa katawan nang magtungo sa himpilan ng pulisya upang i-report ang pangyayari.
Sa salaysay ni Austria, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng simbahan ng INC na matatagpuan sa Guadenville, Quirino highway, Caloocan City habang sakay ng kanyang pulang Laser Ford, may plate no. PPV-675.
Dahil sa umanoy trapik sa nasabing lugar kung kayat dahan-dahan lamang ang pagtakbo nito nang bigla na lamang siyang harangin ng security guard ng simbahan ng INC at bigla na lamang sinuntok ang kanyang sasakyan nang walang dahilan.
Kaagad umanong bumaba ang biktima matapos marinig ang malakas na kalabog sa sasakyan subalit laking gulat nito nang biglang mag-warning shot ang isa pang lalaki, tinutukan siya ng baril sabay hila sa kanyang police ID.
Dumating pa ang walong lalaki at kinaladkad umano siya sa loob ng simbahan habang patuloy naman siyang binubugbog ng mga ito. Samantala, nakuha pa nitong makatakbo papalayo at humingi ng tulong sa kanyang mga kabaro na noon ay nagpapatrulya sa nasabing lugar at sila ring nagdala sa kanya sa ospital.
Napag-alaman naman na nawawala ang kalibre .45 service firearm ni Austria at Nokia 8850 na nagkakahalaga ng P24,000 matapos ang nasabing kaguluhan.
Sinabi naman ni Supt. Dionisio Borromeo, hepe ng Station Investigation and Intelligende Division (SIID) na patuloy na silang nagsasagawa ng follow-up operation laban sa mga suspect na maaaring madakip anumang oras dahil na rin sa pahayag ni Austria na makikilala niya ang mga ito sa sandaling makita niya. (Ulat ni Gemma Amargo)