Sa ginanap na press briefing kahapon sa Camp Crame, iniharap ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga suspect na sina Abdul Samad Hassim, tubong Cotabato City at Amanolah Serad alyas Serad Ayunan.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Nestorio Gualberto si Hassim na itinuturong triggerman sa krimen ay nadakip nitong nakalipas na Miyerkules at sumunod namang naaresto kinabukasan ang kasamahan nitong si Serad.
Nabatid na si Hassim ay nadakip sa Litex Road, La Mesa Dam, Montalban, Rizal dakong alas-6 ng gabi habang naghihintay ng masasakyan nitong Pebrero 6, samantalang si Serad ay nadakip dakong alas-9:30 ng gabi kamakalawa sa Alabang Public Market.
Isang hawak na saksi ng PNP-CIDG ang nagsabi na nakita mismo niya si Hassim na siyang naghagis ng hand grenade sa ilalim ng nakaparkeng Anfra TED na behikulo na siyang nagresulta ng pagsabog.
Kaugnay nito, sinabi ni Gualberto na bago naganap ang paghagis ng granada ay may naunang kaso si Hassim sa Rizal na frustrated homicide at illegal possession of fire arms at palaisipan sa kanila kung paanong nakapag-piyansa ng P64,000 si Hassim gayung sa testimonya nito ay nagtitinda lamang umano siya ng hair clips.
Ayon naman kay Capt. Manding Unico ng CIDG-National Capital Region (NCR), positibo rin umano na kinilala ng saksi si Hassim nang personal silang magkita nito, ilang oras matapos ang pagkakadakip ng huli.
Samantala, sinabi rin ng saksi na si Serad naman ang ikalawang suspect na naghagis din ng bote sa ilalim ng Anfra vehicle na nagresulta ng ikalawang pagsabog. (Ulat ni Joy Cantos)