Dinakip ng pulisya ang suspect na si Vircelito Adviento, 37, ng 16 Reparo St., Bagong Barrio, Caloocan City.
Samantala, kapwa nasa Manila Central University Hospital sina Leticia, maybahay nito at Virginia Adviento, ina ng suspect, matapos na magtamo ng mga bukol at pasa sa leeg at katawan.
Sa ulat ni PO2 Michael Viray, dakong alas-9 ng umaga nang maganap ang insidente sa bahay ng suspect sa naturang lugar.
Kasalukuyang nakikinig ng radyo ang suspect na umanoy bangag sa gamot sa kanilang bahay nang sitahin ito ng asawa na noon ay kasalukuyang nagwawalis.
Dahil dito, hindi umano nagustuhan ng suspect ang ginawa ng kanyang maybahay kung kaya nilapitan ito at pinagmumura na nauwi sa pagtatalo hanggang sa kumuha ang una ng bote at ipinalo sa ulo ng asawa at pinagbubugbog ito.
Nakita ni Aling Virginia ang ginawa ng anak kayat dinaluhan nito ang duguang si Leticia subalit maging ito ay hinataw din sa ulo ng bangkong kahoy at pinagbubugbog din.
Napag-alaman na ilang araw pa lamang nakakalabas mula sa rehabilitation center ang suspect kung kayat posible umanong hindi pa ito lubusang magaling at muling gumagamit ng droga. (Ulat ni Gemma Amargo)