Positibong kinilala ng dalawang witness ang suspect na kahawig ng ipinalabas na cartographic sketch na si Mario Rivero, 50, farm caretaker, ng Brgy. Sta. Catalina Sur, Candelaria, Quezon.
Si Rivero ay nadakip ng mga puwersa ng NBI-NCR, NBI-Lucena District Office (LUCDO) at AFP Task Force Makiling sa pamumuno ni Director Edmund Arugay sa loob ng hacienda na pinamamahalaan nito.
Base sa rekord, si Rivero ay may nakabimbin pang warrant of arrest dahil sa ibang kasong murder.
Pinahiwatig naman nina Tess Punzalan-Ward at Cristy Punzalan-Singson, asawa at kapatid ng nasawi sa NBI at Task Force Makiling na dapat nang matumbok ang mastermind sa nasabing krimen.
May lead na ang NBI sa mastermind subalit hindi muna ito nagbigay ng detalye para sa follow-up operation nito.
Naniniwala ang pamilya Punzalan na pulitika ang nasa likod ng pamamaslang kay Cong. Punzalan na nagmula sa hinihinalang kampo ng kalabang pulitiko noong nakaraang eleksyon.
Hinihinala na tatlong gunmen ang sumalakay sa Tiaong, Quezon habang idinadaos ang kampanya at pinagbabaril ang huli noong Mayo 12, 2001.
Nabatid na sa dami ng basyong bala at slugs na nakuha sa pinangyarihan ng krimen ay posibleng tatlong uri ng malalakas na kalibre ng baril ang ginamit ng mga salarin.
Sinampahan na ng kasong murder sa Quezon Provincial Prosecutors Office ang nasabing suspect. (Ulat ni Ellen Fernando)