2 patay, 4 kritikal sa duelo ng 2 pamilya

Dalawa katao ang napatay habang apat pa ang malubhang nasugatan makaraang maganap ang isang madugong duwelo sa pagitan ng dalawang pamilya kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Hindi na umabot ng buhay sa Quezon City General Hospital ang mga biktimang sina Cesar Moreno, 35, at si Frago Lucino, 23, pawang ice cream vendors, ng 102 Road 20, Brgy. Bahay Toro, Quezon City, sanhi ng tinamong tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa nasabing pagamutan ang apat pang biktimang sina Bienvenido Moreno, Efren Reyes, Gina Lucino at Marcelo Sevilla na nagtamo rin ng tama ng saksak sa katawan.

Lumulabas sa ulat ng Central Police District-Criminal Investigation Unit na naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa Road 20, Brgy. Bahay Toro habang masayang nag-iinuman ang dalawa sa loob ng pagawaan ng ice cream nang magkaroon ng sigalot sa pagitan ng mag-asawang Cesar at Gina Moreno.

Hindi umano nagustuhan ng kaanak ng biktimang si Frago ang pag-aaway ni Cesar kay Gina kaya kinumpronta niya ito. Ngunit hindi nagustuhan ni Cesar ang pakikialam ni Frago at ito ay minura niya at sinaksak hanggang sa magalit naman ang kaanak ni Frago at sinaksak naman si Cesar.

Habang nasa kainitan ang duwelo, tinangkang umawat ng iba pang biktima na nagresulta ng pagkakasugat ng mga ito.

Sabay na bumagsak ang dalawang ice cream vendors dahil sa tinamong mga saksak. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments