Pasko sinamantala ng Akyat-Bahay

Hindi pinatawad ng mga miyembro ng Akyat-Bahay Gang, maging ang pagdiriwang ng Pasko matapos na dalawang bahay ang kanilang atakihin at tangayan ng salapi at mga alahas, kamakalawa sa Pasig City.

Dumulog sa himpilan ng pulisya ang mga biktima na sina Irris Lua, 19, at kapatid niyang si Ryan, 18, kapwa naninirahan sa #110 Banaag St., Brgy. Pineda at si Jerito Decalires, 55, may-asawa, ng #9 F. Manalo St., Brgy. Malinao, ng lungsod na ito.

Sa salaysay ng magkapatid na Lua, posible umanong pinasok ang kanilang bahay ng mga magnanakaw habang nasa simbahan nang sumapit ang Pasko.

Nadiskubre nila ang nakawan nang makauwi kung saan natangay sa kanila ang isang unit ng Nokia 8250 na nagkakahalaga ng P13,800; isang mamahaling gintong kuwintas, 2 PNB ATM cards at P2,000 cash at US$300.

Iniulat naman ni Decalires na nagtungo umano sila sa kamag-anak nila sa Valenzuela sa Kapaskuhan at bumalik sa kanilang bahay dakong alas-2 ng hapon.

Dito nila naabutan na winasak ang kahoy nilang pinto ng mga magnanakaw at nawawala na ang P15,000 cash at iba’t ibang uri ng alahas. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments