Si Strunk na nakasuot ng kulay light blue na barong Tagalog ay dumating sa NBI dakong alas-12:25 ng tanghali lulan ng kanyang kulay Blue na Toyota Altis kasama ang kanyang abogado na si Dennis Manalo at dalawang NBI escorts.
Agad itong dinala ng kanyang mga escort sa neutro-psychiatric testing room para mailayo sa humahabol ditong mga reporter. Ilang sandali pa ay dinala na ito sa tanggapan ng NBI at dito siya kinunan ng pahayag.
Tumanggi si Strunk na sumagot sa mga katanungan ng mga mamamahayag.
Sa kanyang panig, sinabi ni NBI director Reynaldo Wycoco na nananatiling suspect sa kaso si Strunk.
"Wala pa naman kaming kini-clear sa kaso kahit isa. In this sense, he (Strunk) remains a suspect", pahayag ni Wycoco.
Binanggit pa ng NBI agents na inaasahang natapos ni Strunk ang kanyang sinumpaang salaysay hanggang kagabi.
Idinagdag pa ni Wycoco na patuloy nilang pinagtutuunan ng pansin ang anggulong may kinalaman sa properties at personal issues na siyang motibo sa isinagawang pagpaslang kay Nida. Gayunman, hindi pa umano napapanahon para i-exhume ang labi ng aktres.
Kahapon din ay muling nagtagpo sina Strunk at ang self-confessed killer na si Philip Medel na humingi ng paumanhin sa una matapos niyang isangkot ang pangalan nito. (Ulat ni Ellen Fernando)