2 patay sa car crash

Dalawang lalake ang iniulat na nasawi makaraang tumaob ang kinalululanan ng mga ito na sasakyan na hinihinalang kabilang sa mga nagsasagawa ng drag racing, kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Nakilala ang mga nasawi na sina Jose Carlo, 17, at Gerald Alejandrino, 26. Namatay noon din ang dalawang biktima dahil sa tinamong grabeng pinsala sa katawan.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Gerry Talakay ng Central Police District (CPD) Traffic Sector 5, naganap ang aksidente dakong alas- 3:10 ng madaling araw sa may Commonwealth Avenue, East Fairview, Quezon City.

Ayon sa pahayag ng mga motoristang nakasaksi sa insidente, nakita umano nilang humahagibis ang takbo ng sasakyang Toyota Altis na may plakang WLS-647 ng sinasakyan ng mga biktima.

Dahil na rin sa madulas ang daan sanhi ng kaunting pag-ulan ay sumadsad at sumampa ang sasakyan sa center island at lumipad pa ng may 12 talampakan at saka sumalpok sa isang punongkahoy.

Patay na nang makita ang dalawang sakay nito.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ukol dito. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments