'Kidnap Me' bagong modus operandi nabunyag

Nabuko ang ginawang "modus operandi" ng isang mister na lulong sa sugal makaraang bumaligtad ang napag-utusan nitong kumidnap sa kanya kamakalawa ng gabi sa isang bagong modus operandi na tinawag na ‘kidnap me’ sa Quezon City.

Sa himpilan ng pulisya bumagsak ang suspect na si Eduardo Dizon matapos na bumaligtad ang kasabwat na kidnapper na si Vicente Verde sa gitna ng bayaran ng ransom ni Dizon upang tubusin ito.

Ayon sa isinagawang imbestigasyon, humingi ng tulong sa Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU) ang pamilya ni Dizon kaugnay sa pagkakakidnap umano nito.

Lumalabas sa report na humingi ang kidnapers ng P50,000 upang mapalaya si Dizon na bumaba naman sa P20,000 matapos itong tawaran ng asawa ni Dizon.

Ngunit nang itakda ang bayaran sa Victory Liner sa Cubao, Quezon City ay bigla na lamang sinabi ni Verde na ‘kidnap me’ lamang ang naturang pangingidnap dahil sa laki ng utang sa kanya ni Dizon sa sabong.

Sinabi ni Dizon na humingi siya ng pera sa asawa bilang ransom upang kanyang magamit pambayad dito. Si Verde naman ay galit kay Dizon matapos siyang ipahamak sa kanilang nabulilyasong bagong modus operandi (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments