Ayon kay PNP Chief Director General Leandro Mendoza, inatasan na umano niya ang buong puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na maging alerto ngayong papalapit na ang panahon ng Kapaskuhan at magpalabas ng nararapat na bilang na magpapatrulyang pulis sa mga pampublikong lugar.
Ang hakbang ay bunsod ng talamak na kriminalidad tulad ng kidnapping-for-ransom at maging ng mga petty crimes tulad ng robbery/hold-up, bag slashing, snatching, pandurukot na karaniwan nang lumolobo tuwing Disyembre.
Sa Quezon City lamang umano ay 200 na ang magpapatrulyang pulis na inatasan na magsagawa ng 24-oras na monitoring sa lansangan, ayon kay PNP Spokesman Chief Supt. Cresencio Maralit.
Ito umano ay bunsod na rin ng inaasahang pagdagsa sa bilang ng mga krimen na tulad ng pagnanakaw at kidnap-for-ransom activities.
Maliban sa mga shopping malls na madalas na puntahan ngayong holiday season ay babantayan din ang ibang public establishments tulad ng mga bus terminals, airport at seaports para naman sa mga mag-uuwiang indibidwal ngayong holiday season.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang pulisya sa management ng mga prominenteng shopping centers sa Kalakhang Maynila upang mapag-usapan ang kaukulang "security measures" na ipapatupad. (Ulat ni Joy Cantos)