Brgy. hall nilusob ng frat gang: Tanod sugatan

Malubhang nasugatan ang isang barangay tanod matapos na mabaril ito ng sumpak nang atakihin ng may sampung miyembro ng isang street gang na armado ng mga patalim at pillbox ang isang barangay hall upang iligtas ang dalawa nilang kasamahan, kahapon ng madaling-araw sa Mandaluyong City.

Nakapiit ngayon ang apat lamang sa mga miyembro ng "Tres Kantos Gang" na nakilalang sina Aaron Alcantara, 18, ng Blk. 40 Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills; Percy Dagaton, 21, ng 624 Nueve de Pebrero St.; Dexter Agliyam, 14; at Richard Valdez, 16, kapwa residente ng Brgy. Pleasant Hills, ng lungsod na ito.

Sa ulat ni PO2 Rupert Martin Sazon, may hawak ng kaso, naganap ang paglusob ng nasabing gang dakong alas-2:05 ng madaling-araw sa barangay hall ng Brgy. Pleasant Hills.

Nabatid na unang dinakip ng mga barangay tanod sina Alcantara at Dagaton dahil sa panggugulo at paghahamon ng away sa naturang barangay na inireklamo ng mga residente. Dinala ang dalawang suspect sa barangay hall upang imbestigahan.

Nang mabalitaan ng mga kasamahan nila ang pagkakapiit ng dalawa, lumusob ang may sampung miyembro ng gang na armado ng mga sumpak, dos-por-dos at pillbox. Walang sabi-sabing pumasok umano sa barangay hall ang mga suspect kung saan hinarap sila ng mga tanod.

Isa sa miyembro ng grupo ang nagpaputok ng dalang sumpak kung saan tinamaan ang tanod na si Wilfredo Maballo sa kanyang kanang balikat. Mabilis na isinugod si Maballo sa Mandaluyong City Medical Center at idineklarang ligtas na ito.

Bukod dito, nagwala pa sa loob ng barangay hall ang mga suspect kung saan tinatayang P10,000 halaga ng ari-arian ang nawasak dito ngunit hindi nila matagumpay na napalaya sina Alcantara at Dagaton matapos na rumesponde ang ilan pang barangay tanod.

Samantala, nadakip naman ng pulisya sina Agliyam at Valdez na positibong itinurong kasama sa naturang paglusob. Isinasailalim ang mga ito ngayon sa interogasyon upang makilala ang iba pa nilang mga kasama. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments