2 patay sa rambol sa pila ng tricycle

Dalawa katao ang nasawi makaraang magrambol ang grupo ng mga Muslim at Waray dahil sa iringan sa pila ng tricycle sa Regalado St., Fairview, Quezon City, kamakalawa.

Hindi na umabot nang buhay makaraang isugod sa Fairview Hospital ang mga biktimang sina Morris del Pilar, 30, isang Waray na nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril sa katawan at Masang Jamalol, isang Muslim dahil naman sa tinamong mga saksak at tama pa rin ng bala sa kanyang katawan.

Samantala, sugatan din sa naturang insidente si Danny Ausalem, 47.

Ayon kay Supt. Allan Parreno, naganap ang rambulan sa pagitan ng dalawang grupo nang magkairingan ang mga ito sa pila ng tricycle sa nasabing lugar.

Noong una ay komprontasyon lamang hanggang sa mauwi sa pagbabarilan at pagsasaksakan.

Nahinto lamang ang rambol ng dalawang grupo ng dumating ang mga awtoridad, gayunman duguan nang nagbagsakan ang mga biktima. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments