Maximum security building ng NBP nasunog

Nabulabog kahapon ang mga preso na nakapiit sa Building 11 ng Maximum Security Compound ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City matapos itong masunog, kahapon ng hapon.

Base sa inisyal na report na nakalap, umabot sa Task Force Alpha ang alarma sa naganap na sunog na nagsimula dakong alas-3:46 ng hapon at tumagal ng mahigit sa isang oras sa Maximum Security Compound.

Nabatid kay Supt. Venancio Tesoro, spokesman ng NBP na natupok ang buong gusali ng Building 11 na siyang kinaroroonan ng selda ni Claudio Teehankee Jr. na may kasong double murder. Dito din umano nakapiit ang may 222 inmates kabilang na dito ang mga police at political detainees na sentensiyado ng life imprisonment.

Binanggit pa ni Tesoro na nagsimula ang sunog sa kisame ng gusali at mabilis na kumalat ang apoy dala na rin ng malakas na ihip ng hangin sa naturang lugar.

Posible umano na faulty electrical wiring ang siyang sanhi ng sunog.

Ayon din sa nasabing opisyal tumulong ang mga preso sa mga pamatay-sunog na nagresponde upang mapadali ang pag-apula sa apoy.

Inaalam pa ang halaga ng mga ari-ariang naabo sa naganap na sunog.

Samantala, isang masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa tungkol sa naganap na sunog. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments