Batas na nagbabawal sa mga market stalls, ipinanukala

Papatawan ng mabigat na parusa ang mga taong magtatayo ng mga market stalls sa lansangan na nagiging sanhi ng pagsisikip ng trapiko sa sandaling pumasa ang panukalang batas na inihain hinggil dito.

Ayon kay Pampanga Rep. Oscar Rodriguez, awtor ng panukala, hanggang sa ngayon ay bigo ang pamahalaan na ipatigil ang pagtatayo ng mga market stalls na kalimitan ay sumasakop na sa mga kalsada.

Isa umanong patunay dito ay ang masikip na daloy ng trapiko sa mga lugar sa kamaynilaan na maraming nagtitinda sa lansangan.

Hindi lamang umano oras ng mga motorista ang nasasayang kundi ang gasolina.

Sinabi pa ni Rodriguez na panahon na para disiplinahin ng gobyerno ang mga mamamayan lalo na yaong mga nagtitinda sa lansangan na ang iba ay nagtatayo pa ng mga permanenteng stalls.

Sa ngayon ay walang batas na nagpaparusa sa mga taong nagtatayo ng permanente o temporary makeshift stalls at kung nahuhuli ay kalimitang ginigiba lamang ng mga pulis o kaya ay kinukumpiska lamang ang mga paninda ng mga ito.

Sa sandaling maging batas ang panukala, pagmumultahin na ng hindi bababa sa P5,000 subalit hindi naman tataas sa P50,000 ang sinumang mahuhuling nagtatayo ng temporary o permanent stalls sa mga lansangan.

Malaki din ang posibilidad na mabilanggo ang mga ito ng hindi lalampas sa anim na buwan depende sa discretion ng korte. (Ulat ni Malou Escudero)

Show comments