Ina ni aktres Mia Nolasco, muling inaresto

Muli na namang nadakip ng mga tauhan ng Central Police District Office (CPDO) at mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Camp Crame ang ina ng starlet na si Mia Nolasco dahil sa kasong estafa na kinasasangkutan nito.

Ang dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) Judge Maria Elisa Sempio ng Branch 34 ay nakilalang si Regina Nolasco-Miyamoto, 44, ng Horse Shoe Drive, Quezon City.

Si Regina ay dinakip dakong alas-7:30 ng gabi habang nakasakay ito sa isang taxi sa naturang lugar.

Si Regina ay inaresto matapos na ipagharap ng reklamo ng isang Jane Palisoc dahil sa hindi umano nito pagbabayad ng halagang P336,000 renta sa inuupahang bahay simula pa noong Marso hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan.

Kaugnay nito, napag-alaman pa ng pulisya na mayroon pang kasong estafa si Regina sa iba pang personalidad kasama na dito ang aktress na si Brenda del Rio na inutangan nito ng may dalawang milyong piso.

Si Regina ay kasalukuyang nakapiit sa CIDG office sa Camp Crame. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments