Sinampahan ng kasong murder ang mga suspect na sina Ernesto Canteros, 36; Frank Gajis, 31; Ronnie Figueroa, 36; at Hans Tan, 36, matapos mabaril at mapatay si SPO4 Edmundo de Leon.
Si de Leon ay nagtamo ng tama ng bala ng baril sa dibdib at paa subalit namatay din habang ginagamot sa St. Agnes Hospital.
Maging ang sinasabing lider nito na si Ramon Go na isang dating US Navy at lider ng kilabot na Esting Gang ay kinasuhan ng murder bagamat nakatakas sa mga kagawad ng pulisya.
Ayon kay Chief Insp. Bart Bustamante, acting PIO ng Central Police District, nakipag-ugnayan na sila sa lahat ng mga ports of exit sa bansa upang maiwasang makalabas ng Pilipinas si Go kasabay ng isang manhunt na inilunsad ng PNP.
Sinabi pa ni Bustamante na inihahanda na rin nila ang kasong kidnap-for-ransom laban sa grupo at naniniwala silang tuluyan namang makukulong ang mga ito.
Bukod sa kidnapping, responsable rin sa drug trafficking at paggawa ng pekeng P500 at P1,000 bill ang grupo ng suspect.
Nabatid pa kay Bustamante na sinisiyasat din nila ang posibleng koneksyon ng grupo sa iba pang sindikato na nagsasagawa ng iligal sa bansa.
Samantala, handa naman ang Chinese community na magbigay ng tulong sa naiwang pamilya ni de Leon. (Ulat nina Doris Franche at Jhay Mejias)