7-buwang buntis nabaril ng pulis

Isang pitong-buwang buntis ang nabaril ng isang off-duty na pulis-Malabon nang rumesponde sa isang rambulan sa birthday party habang ito’y nagti-text sa balkonahe ng kanilang bahay sa Tondo, Manila, kamakalawa ng gabi.

Masusi ngayoong inoobserbahan sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Julisan Colala, 17, ng #346 Sta. Rita St., Tondo, Manila, sanhi ng tinamong tama ng bala sa magkabilang balikat.

Kasalukuyan namang tinutugis ng pulisya ang suspect na nakilalang si PO3 Rosel Apostol at residente ng nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi kamakalawa sa Sta. Rita St., Tondo.

Bago naganap ang insidente ay nagkaroon ng isang rambulan sa pagitan ng mga nag-iinuman sa isang birthday party sa nabanggit na lugar.

Kahit off-duty na ay rumesponde pa rin si PO3 Apostol sa nabanggit na gulo at pagdating niya roon ay dalawang beses itong nagpaputok ng warning shots sa mga nagrarambulan gamit ang kanyang service firearm na 9mm.

Tinamaan naman ang biktima na noon ay nagti-text sa balkonahe ng kanilang bahay. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments