Ito ang aral na huli na nang mapagtanto ng isang rookie cop ng Caloocan City police na nakabaril at malubhang nakasugat sa kapwa niya pulis dahil lamang sa masamang biro sa loob ng kanilang headquarters kamakalawa ng hapon.
Posibleng mawalan ng trabaho ang suspect na si PO1 Raymund de Gracia, 24, nakadestino sa Caloocan City Hall Police Detachment makaraang ihanda na ng kanyang mga superior ang paghaharap ng kasong frustrated homicide through reckless imprudence laban sa kanya.
Ito ay matapos na mabaril niya si PO1 Dennis Milabo Jr., 26, na milagro namang nakaligtas matapos magtamo ng isang tama ng bala na pumasok sa kanyang kaliwang sentido at lumabas sa kanyang kanang panga.
Una nang iniulat ni De Gracia sa kanyang mga superior na ang insidente ay naganap dakong alas- 2:30 ng hapon sa ikalawang palapag ng kanilang headquarters.
Sa kanyang unang pahayag binanggit nito na inilagay niya ang kanyang 9mm pistol sa tabi sa kanyang tagiliran at nagpahinga siya sa folding bed. Ilang minuto ang nakalipas ay aksidente niyang nakalabit ang trigger ng baril ng ayusin niya ang kanyang uniporme. Tinamaan umano si Milabo na noon ay may kinukuha sa kanyang bag sa lapag.
Gayunman, nagduda si Caloocan City police chief Superintendent Benjardi Mantele sa unang pahayag ng suspect kung kaya isinailalim muli ito sa masusing interogasyon.
Binanggit ni Mantele na inamin sa kanya ni De Gracia na pabiro niyang itinutok ang baril kay Milabo at aksidente namang bumigay ang trigger nito. Pumutok ang baril at tinamaan sa sentido si Milabo.
Idinagdag pa nito na ang ganoong biruan ay normal na sa kanilang dalawa ni Milabo. (Ulat ni Pete Laude)