Ito ay matapos na raidin ng naturang ahensiya ang dalawang establisimento sa Valenzuela City na dito nasamsam ang may P15 milyong halaga ng pekeng sigarilyo at mga kagamitan sa paggawa nito.
Ayon kay NBI director Reynaldo Wycoco, ang dalawang sinalakay na establisimento ay ang Kenlo Marketing na nasa Earth Street, E&E Compound sa Barangay Parada at ang George Sy Printing House na nasa 33 Parada St. sa Brgy. Parada sa nabanggit na lungsod.
Idinagdag pa ni Wycoco na ni-raid ang dalawang establisimento matapos na magharap ng reklamo ang Philip Morris Inc. tungkol umano sa paglaganap ng mga pekeng Philip Morris cigarette brands sa Metro Manila.
Base sa isinagawang imbestigasyon ng NBI Intellectual Property Rights Division, nakumpirma na may katotohanan ang naturang sumbong kung kaya agad silang humiling ng search warrant kay Manila Regional Trial Court Judge Antonio Eugenio.
Matapos makakuha ng warrant ay magkasunod na ni-raid ng mga ahente ng NBI ang dalawang establisimento na dito nasamsam ang ibat ibang kagamitang pinaniniwalaang ginagamit sa pagmamanufacture ng pekeng Philip Morris products.
Nakarekober din ang mga ahente ng NBI ng delivery receipt na dito nakalagay ang transaksyon para sa 430 kahon ng Marlboro cigarettes.
Inihahanda na ng NBI ang pagsasampa ng kasong paglabag sa intellectual property code laban sa mga may-ari ng dalawang sinalakay na establisimento. (Ulat ni Ellen Fernando)