Sa isang ulat na ipinalabas ni Dr. Visitacion Antonio, pangunahing toxicologist sa bansa, nabatid na ang mga bilang ng namamatay dahil sa mercury ingestion ay nagmula sa Visayas, Metro Manila at Central Luzon. Pawang nasa edad 1 hanggang 5 taong gulang ang naiulat na namatay dahil sa aksidente.
Hindi inilabas ang pangalan ng mga ito.
Dahil dito ay hinimok ni Dr. Antonio ang lahat ng mga magulang na huwag ilalagay ang thermometer sa puwet at bibig kapag kinukuha ang temperature ng bata dahil na rin sa hindi maiiwasang pagkagat ng mga ito na dahilan upang mabasag at malunok ang mercury.
Ang mataas na dosis ng mercury kapag nalunok nang hindi inaasahan ay kaagad na nagreresulta ng kamatayan, ayon pa sa hepe ng Vision of Toxicology ng DOH.
Kaugnay pa nito ay nagbabala ang UP-PGH National Poison Control and Information Center sa pangunguna ni Dr. Nelia Cortez Maramba na iwasang lumagpas sa limang beses na limit na pagpapalagay ng pasta sa ngipin.
Nabatid na ang mercury content ng dental filling materials na ginagamit sa pagpapasta ng ngipin ay sobrang dami at ito ay hindi naiiwasang malulon na maaaring magdulot ng mabilisang atake sa puso, pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng kalamnan, pagkabobo at higit sa lahat ay pagkabulag. (Ulat ni Andi Garcia)