Sa ulat ni Atty. Lina Molina, NAIA deputy collector for passenger services kay NAIA district collector Celso Templo at Deputy Commissioner for Enforcement and Intelligence Group Ray Allas, unang dumating si Kan Tai Kun sa Centennial Terminal 2 buhat sa Xiamen noong Miyerkules ng gabi sakay ng Philippine Airlines flight PR 335.
Napag-alaman na nagsagawa ng eksaminasyon sa bagahe ni Kun subalit tumanggi ang huli na suriin ang laman ng wine jar kayat napilitan ang mga tauhan ng Customs na kumpiskahin ito at nag-isyu ng In-Bond receipt.
Dahil sa hindi pa nasusuri ang tunay na laman ng dala ni Kun, inilagak na lamang ito sa In-Bond ng Customs at hinayaang makalabas ang pasahero. Huli na ng mabatid nila na ang alam ng jar ay mga shabu.
Ang ikalawang pasahero ay nakilala namang si Hsu Jui Chang, 26, na dumating sa bansa noong Biyernes ng gabi sakay ng China Southern Airlines flight CZ 377 Peking via Xiamen.
Nakumpiska buhat dito ang may 5 kilo ng shabu na nakalagay din sa isang porselanang wine jar.
Base sa imbestigasyon, kasalukuyan umanong nagki-clear si Chang sa Customs Area nang mapansin ni Marissa Galang, isang ahente ng Customs Intelligence and Investigations Section ang kakaibang kilos ng una.
Nang idaan ni Galang sa manuel inspection ang bag ni Chang tumambad ang isang puting porcelain jar na nang siyasatin ay naglalaman ng shabu, gaya ng nakuha sa jar na kinumpiska kay Kun. (Ulat ni Butch Quejada)